“Mommy, gusto ko po siya! Please buy it for me po! Pleaseee,” sabi ng batang babae habang nakaharap sa akin. Kanina pa siya nag sasalita ng kung ano-ano. Pilit kong iniintindi kung ano ang kanilang sinasabi at kung bakit tinuturo ako ng batang babae.
“Sigurado ka na ba anak? Ayaw mo ng hamster?”
“Eto po talaga gusto ko. Ang cute niya!”
Pinanuod ko kung paano ako tingnan ng batang babae. Labas ang kaniyang mga ngipin at kumi kislap ang kaniyang mga mata. “Excuse me Miss, itong bunny na ang bibilhin namin,” sabi ng kausap kanina ng bata. Matapos ang ilang minuto ay natanaw ko ang babae na laging nag bibigay ng pagkain sa akin at papalapit siya.
Binuksan niya ang mga matitigas at tuwid na bagay na naka palibot sa akin. Balak ko pa sana lumayo dahil hahawakan na niya ako pero hindi kagad ako nakakilos kasi nakaharang ang lalagyan ng tubig na aking iniinom. Inilabas niya ako at ipinatong sa isang malambot na bagay. Lumapit sa akin ang batang babae at masaya akong hinawakan. Inangat niya ako inilapit sa kaniyang mukha.
“Hi little bunny! I’m your new owner!” Matinis na ika ng bata. Kumurap-kurap ako dahil patuloy lang ang kaniyang pag sasalita pero wala ako maintindihan.
Dalawang linggo na ang nakalipas at masasabi ko na mas masaya ako ngayon. Inilibot ko ang aking tingin sa bago kong tirahan. Mas malaki ito kumpara sa tirahan ko dati. Tapos kaya ko pang tumalon-talon ng maraming beses! Inaantay ko ngayon ang batang babae na umuwi. Napapansin ko kasi na tuwing maliwanag na sa labas ay umaalis siya at parehas lagi ang suot tapos may malaking bagay na nakasabit sa kaniyang likod. Pero kanina ay hindi siya nakasuot ng ganon at lumabas siya kasama ang kaniyang magulang.
Matapos ang ilang minuto na pag hihintay ay narinig ko na ang boses ng bata kaya tumayo ako. Masayang lumapit siya at binuksan ang aking tirahan. Niyakap niya ako at pinang gigilan. Noong una ay hindi ko gusto ang kaniyang ginagawa pero nang tumagal na ay hinahanap-hanap ko na ang kaniyang yakap. Nakipag laro siya sa akin at binigyan ako ng mga pagkain. Pero makalipas ang ilang oras ay narinig ko na sumisigaw ang magulang ng bata.
“Kailangan natin lumikas! Andrea! Ayusin mo na mga gamit mo bilis!”
“Nag tatawag na si Kapitan!”
“Bakit ba kasi ngayon lang nag anunsyo ng pag-likas! Andrea, ang libro mo sa school ‘wag mo kalimutan!”
Nag kakagulo ang bata at ang ibang tao sa bahay. Narinig ko rin ang malakas na tunog galing sa labas. Nang lumingon ako sa bintana ay nakita ko na ang lakas ng pag patak ng tubig. Nakita ko ang bata na may dala ng bag at nag mamadali silang lumabas ng bahay. Naandito lang ako sa lamesa at naka tayo habang palabas sila. Balak ko sana silang sundan pero natatakot ako kasi ang taas ng babagsakan ko.
Naguguluhan ko silang tinanaw sa labas ng bintana. May hawak silang iba’t ibang kulay na malaking bilog at nakasilong sila doon para hindi mabasa. Saan sila pupunta?
Ilang oras na akong nag hihintay sa pag balik nila. Andito parin ako sa lamesa at nakatingin sa pinto at umaasang papasok ang batang babae dito. Dumungaw ako sa ibaba at nakita ko na malapit na ang tubig sa ibabaw ng lamesa. Tumalikod nalang ako at pumasok sa aking tirahan. Siniksik ko ang aking katawan sa tela na binigay sa akin ng bata. Sumaya ako dahil naiwan ang amoy ng bata sa tela na ito. Nakikita ko na ang tubig sa ibabaw ng lamesa at patuloy na ang pag taas nito. Patuloy parin akong nag aabang sa pagbukas ng pinto.
Gusto ko na ulit maglaro at mayakap mo. Nasaan ka na ba bata?

